Binibining Kurba
Binibining may di pantay na kurba, ika’y maganda.
Binibining may di pantay na balikat, ika’y maganda.
Binibining may di pantay na likod, ika’y mananatiling maganda.
Maganda ka, kahit na likod mo’y iba sa kanila.
Sabihin man ng iba na ika’y kuba,
Sabihin man nilang pangit ang iyong pagtindig at postura,
Sabihin man nilang wala kang patutunguhan dahil sa iyong itsura,
Mananatiling maganda ka, anuman ang pinagsasasabi nila.
Karamihan sa kanila’y nag aakalang likod lang ang may diperensya.
Ngunit di n’yo nakikita na paghinga nami’y nalilimitahan na.
Mga laman sa aming loob ay unti-unti ng naiipit at nanghihina.
At sa tuwing kami’y may sakit na dinaramdam,
‘wag nyo sanang sabihin na kami’y nag-iinarte lamang.
‘Di kami makaupo at makatayo ng pang matagalan.
‘Di rin kami makakapag takbo o lakad ng mabilisan.
Sumasakit sa t’wing ang panaho’y nag-iiba.
At mas lalong sumasakit ang damdamin namin dulot ng pangungutya nila.
‘Wag n’yo sanang iparamdam na kami’y na-iiba.
‘Wag n’yo sanang mas babaan ang aming konpidensya, dulot ng inyong pananalita.
At ‘wag n’yo sana kaming husgahan dulot ng aming balikong kurba.
Dahil mas kailangan namin ng karamay at pag unawa nyo.
At mas kailangan namin ng taong iintindi sa katulad naming ganito.
Kaya sa lahat ng nakakaranas nito,
Huwag tayo basta-basta susuko.
Ibinigay ‘to ng Diyos dahil alam n’yang matatatag tayo.
Kaya sa lahat ng taong nagmamahal sa amin kahit gan’to, mas mahal na mahal namin kayo.